Thursday, February 2, 2012

A letter to my old self

An old diary entry.

Dear Old Self,

Alam kong malaki at malawak ang struggle mo bilang 'old self' andyan yung high school, andyan yung family pressure, andyan yung college life -- fitting in, wanting to do your best everytime, to make and keep friends -- mga usual issues ng buhay mo. Saksi ako sa lahat ng nangyari sa iyo, sa mga pinagdaanan mo sa college, worry sa mga subject, learning to do financial budgetting, sa pa-iba-ibang bahay, sa lolo na may sakit, sa thesis, sa first love, sa first heartbreak, sa mga frustrations at pagkilala sa limitations mo bilang tao, wag ka mag-alala, kasama mo ako sa mga parteng mahirap sa buhay mo.
Ngayon eto na yung last goodbye ko sa iyo. Kasi masyado na matagal ang nilagi mo sa unconscious part ng buhay at utak ko. Kailangan mo nang umalis at magpaalam dahil you ran your course na and you fulfilled your time na. Medyo matagal ang inilagi mo sa buhay ko at medyo may ilan pang parte na dapat isara sa iyo -- para tuluyan akong lumaya. Masasabi kong malaki ang naiambag mo sa pagkatao ko ngayon pero hanggang doon na lang iyon -- hindi ka na makakapagdikta sa mga gagawin ko sa buhay simula ngayon dahil lumipas na ang oras mo. Magpahinga ka na.
Ayon naman sa thesis na ginawa mo, sobrang lalim ng pinanggalingan mo old self -- sobrang depressive at mabigat. Pero wag kang mag-alala naiintindihan kita. Alam kong mumultuhin mo na naman ako sa konsensya at panaginip ko, pero hanggang ganoon ka na lang -- multo ka na lang -- walang kakayahang makaramdam at makapagdesisyon. Malalim ka 'old self' at alam kong gusto mong gumawa ng 'impression' -- actually magaling ka, saludo ako sa iyo, honest, deep and pure. Pero kahit alam nating ganoon ka kagaling, may kakulangan ka pa rin -- ang iyong kakayahang makipagkomunikasyon -- natutunan ko iyan habang binubuo ko ang bagong sarili sa ilalim ng aking Buddhist Master. Tinuruan niya akong masaktan, magpahayag ng nararamdaman, magmahal at maging compassionate.
May malalim man akong sugat, mayroon din naman akong mataas na hangaring makatulong at magbigay ng matatag na pag-ibig sa mga tao. Marami pa akong matututunan bilang bagong Joyce -- pero mas gusto ko munang pasalamatan ka, 'old self' dahil sa mga tinuro mo sa aking wisdom at experiences. Dahil sa iyo, alam ko na ang halaga ng pag-ibig, pag-alaga sa kaibigan, katrabaho, kaklase at kapartner. Dahil sa iyo pinapahalagahan ko ng mabuti ang oras, dahil sa iyo, nakilala ko ang aking Dakilang Guro -- ang pinakamahalaga mong regalo sa akin. Kahit sobrang lalim ng kalungkutan mo, mataas naman ang idinulot mong kaligayahan sa disiplinang dinisenyo mo na ipinagpapatuloy ko ngayon sa aking buhay.
Alam nating ang limitasyon mo sa pagpapahayag ng sarili ang naging malaking problema sa pagfulfill ng mga obligasyon mo sa academics. Hindi man ako kasing galing mo sa paglikha, hayaan mong maging tulay ako at ang aking mga salita para mas maintindihan ng ibang tao ang gusto mong iparating sa kanila. Marahil ang maturity na hinihintay mo dati ay hindi talaga para sa iyo, dumating ito sa panahon ng new self, sa panahon ko, kaya ako na lamang ang magpapatuloy ng iyong mga mahahalagang legacy.
Paalam na ito. Mahal kita. Magkaiba man tayo ng pupuntahan, bibisitahin pa rin kita sa aking panaginip at pag-iisa. Parte ka ng buhay ko. Mananatili ka sa aking alaala. Ito ay pamamaalam, selebrasyon at paglaya mula sa mga pagkagapos na nirupok na nang panahon. Para sa iyo 'old self', salamat at paalam.

No comments:

Post a Comment

Please leave your reaction here --->