Sunday, June 7, 2020

Interchange #2

Para Kay E.S.
ni Priscilla Supnet Macasantos

walang tama
o maling pag-ibig
ang bawat umiibig
ay mapag-angkin
at mapanghimasok
mapagbigay, ngunit mapaghanap
mapagtiwala
subalit madalas
naghihinala at naghihimagsik

paano titimplahin
ang kape ng pag-ibig
kapag labis ang tapang
ay walang kasimpait
at kung matabang, ay di nakakagising
kung sumobra naman ang tamis
madaling pagsawaan ang pag-ibig
at kung lubhang mainit
ay nakakapaso sa dila at sikmura
kung malamig naman
ay mahal ko
kape ba ito?
subalit hindi kape
ang pag-ibig
na itatapon sa lababo
kapag nagkulang sa init, hindi
tinuturuan ang pag-ibig
ng tamang init at lamig
pinapayapa kapag lubhang nag-iinit
pinapasigla kapag nanlalamig
at kung nanghihimasok na nang labis
ang pag-ibig ay hinaharang sa pintuan
at pinipigilan
nakikihamok ang pag-ibig
sa pagbabantas
at sa panahon ng tag-tuyot
at panghihina
hihimukin ang pag-ibig, at pagyayamanin
walang tama o maling
pag-ibig
hindi. hindi susuriin
o susukatin ang pag-ibig

ang marapat na tanong
ay kung mayroon ngang pag-ibig


4:56AM Good morning

No comments:

Post a Comment

Please leave your reaction here --->